Aminado ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) na mas magastos ang modular learning sa lahat ng learning modalities na ipatutupad sa distance learning ngayong pasukan.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, nangangailangan ng perang pambili ng papel o bond paper, ink, at kuryente para mailimbag ang mga Self-Learning Modules (SLMs) na ipamamahagi sa mga mag-aaral ng bansa.
Maliban dito aniya, masama pa ito sa kalikasan dahil maraming puno ang gagamitin upang makapag produce ng papel o bond paper.
Kaya naman habang umiiral ang distance learning sa bansa, titiyakin nila na maipatutupad ang online at offline learning, at ang TV radio-based instruction sa buong bansa.
Dahil dito, hinikayat niya ang iba pang mga Local Government Unit (LGU) sa bansa na tugunan at palakasin ang kanilang mga program ukol sa paggamit ng makabagong teknolohiya para sa makabagong pamamaraan ng pagtuturo sa mga bata.
Nang dahil sa banta ng COVID-19 sa bansa, ang DepEd ay nagpatupad ng makabagong pamamaraan ng pagtuturo para sa School Year 200-2021, tulad ng online, modular, blended, at TV radio-based instruction.