Iprinisenta ni Education Sec. Leonor Briones kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bagong programa ng DepEd na layong maabot o magkaroon ng access sa edukasyon ang mga isolated at malalayong lugar sa buong bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ipinaliwanag ni Briones ang Last Mile School Program na layuning mabigyan ng magandang edukasyon ang mga residenteng naninirahan sa mga liblib na lugar.
Sakop ng programa ang pagpapatayo at pagsasaayos ng mga paaralan na mayroong malinis na tubig at kuryente.
Bukod pa riyan, tututukan din ng ahensya ang pagkakaroon ng sapat na mga empleyado, guro, textbook, teachers manual, at iba pang learning materials para sa mga mag-aaral.
Sisiguraduhin din ng DepEd na walang maiiwan at lahat ay mayroong access sa magandang edukasyon saan mang dako ng Pilipinas.
Base sa proposed 2020 National Budget, ang Department of Education ang nabigyan ng may pinakamalaking pondo sa susunod na taon.