Haharap muli sa Kongreso sa susunod na linggo ang Department of Education (DepEd) para iprisinta ang mga dokumentong kinakailangan upang mapondohan ang Special Education Program.
Matatandaang sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi napondohan ang SPED sa 2023 National Expenditure Program dahil bigo ang DepEd na magsumite ng mga kinakailangan dokumento.
Ayon kay Nancy Pascual, Supervising Education Program Specialist ng DepEd – Bureau of Learning Delivery – Student Inclusion Division, umaasa siyang mabibigyan pa ng hiwalay na pondo ang SPED kung saan mahigit 200,000 learners with disabilities na naka-enrol ngayong pasukan ang makikinabang dito.
Giit niya, mahalaga maibigay ang pondo dahil may mga karagdagang pangangailangan ang SPED tulad ng mga learning materials na iba sa kung ano ang ginagamit ng mga typical learners.
“Napakahalaga niyan, kasi alam naman natin ang mga learners with disabilities, may tinatawag tayong additional needs aside from those needs ng mga typical learners.
Halimbawa na lang po, lalo na yung mga totally blind or totally with vision impairment ‘no, kailangan yung mga books nila, since K-to-12 naman, pareho yung mga curriculum, pareho yung tinuturo sa kanila pero yung materials nila ay dapat mai-adjust kung ano yung accessible sa mga learners so, mas kailangan additional financial support,” paliwanag ni Pascual.
Una nang humingi ang DepEd ng P532 million na pondo para sa SPED.