Inilabas na memo ng DILG kaugnay ng pagkumpiska ng mga lisensya sa mga lumabag sa batas-trapiko, aprub sa LTO

Pinuri ng Land Transportation Office (LTO) ang ipinalabas na memorandum ng Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa pagkumpiska ng driver’s license ng mga nahuhuli sa paglabag sa batas-trapiko.

Sa memorandum na inilabas ng DILG, ipinaalala na ang LTO at ang mga deputized agent lamang nito ang may mandato ng batas na magkumpiska ng mga lisensya ng mga motoristang lumalabag.

Ikinatuwa ng LTO ang nasabing utos ng DILG sa mga Local Government Unit (LGU) at sa lokal na pwersa ng pulisya sa buong bansa.


Nanatid na naniniwala ang LTO na naaayon ito sa naunang pasya ng Korte Suprema at sa mga probisyong nakasaad sa ilalim ng Republic Act 10930 na ang pagkumpiska ng driver’s license ay maaari lamang gawin ng LTO.

Ang hakbang ng DILG ay pagbibigay-diin lamang sa LTO ang pangunahing law enforcement agency na may mandatong tiyak na naipatutupad at sinusunod ang mga batas-trapiko para sa kaligtasan ng publiko.

Nagbubukas din ito ng oportunidad sa LTO upang higit na magkaroon ng pagtutulungan ang ahensya at LGUs na palakasin pa ang kampanya hinggil sa kaligtasan at disiplina sa mga lansangan.

Facebook Comments