
Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Education (DepEd) sa pamilya ng limang taong gulang na kindergarten student na nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala.
Naganap ang insidente sa kasagsagan ng engkwentro malapit sa Damabalas Elementary School sa Datu Piang, Maguindanao del Sur.
Nakikiisa ang DepEd sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) sa pagluluksa sa pagkasawi ng bata at sa panawagang makamit ang hustisya.
Ayon sa kagawaran, walang batang dapat malagay sa peligro, lalo na sa loob ng silid-aralan. Mariin ding kinondena ng DepEd ang karahasan na naglalagay sa panganib sa mga mag-aaral, at iginiit na ang paaralan ay lugar para sa kapayapaan at pagkatuto.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa BARMM, MBHTE, lokal na pamahalaan, at mga awtoridad sa seguridad upang suportahan ang school community at higit pang paigtingin ang mga hakbang para sa proteksyon ng mga mag-aaral.










