DepEd, patuloy ang koordinasyon sa Taguig PNP kaugnay sa pagkamatay ng 2 estudyante na naabutang nakabigti sa loob ng paaralan

Patuloy ang imbestigasyon at koordinasyon na ginagawa ng Department of Education (DepEd), Taguig Local Government Units (LGU) at Southern Police District (SPD) kaugnay pa rin sa insidente ng pagkamatay ng dalawang grade 8 students ng Signal Village National High School, Taguig City.

Ayon sa inisyal na ulat ng SPD, natagpuang nakabigti sa loob ng eskwelahan ang dalawang estudyante ng naturang paaralan.

Ini-report umano ng security guard ng paaralan na may nakita silang dalawang estudyanteng nakabigti na kinilalang sina Irish Sheen at Mary, kapwa grade 8 students.


Sa isang pahayag ng Philippine National Police (PNP) Taguig at Scene of the Crime Operative (SOCO), walang umanong foul play sa pagkamatay ng dalawang babaeng estudyante.

Hinimok naman ng PNP-Taguig ang publiko na iwasang gumawa ng mga haka-haka na maaring magpalala sa sitwasyong nararanasan ng mga naulilang pamilya.

Tiniyak din ng PNP-Taguig na magpapatuloy ang kanilang imbistigasyon.

Hindi naman makapaniwala sa nangyari ang pamilya ng dalawang estudyante na sa ngayon ay nagluluksa sa pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay.

Facebook Comments