Cauayan City, Isabela- Tiniyak ng Department of Education (DepED) region 2 ang tuloy-tuloy na pagtatrabaho ng mga guro kahit nakapasailalim sa work-from-home ang mga ito dahil sa kinakaharap na pandemya.
Ito ay matapos akusahan ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang kaguruan na “nag-eenjoy at sumasahod kahit wala namang ginagawa”.
Ayon kay Ginoong Amir Aquino, Public Affairs Unit Head ng DepEd region 2, naglabas ng saloobin ang mga guro at iba’t ibang pinuno ng paaralan sa lambak ng Cagayan kaugnay sa naging pahayag ng gobernador.
Aniya, hirap para sa mga guro ang marinig ang nasabing pahayag dahil akala aniya ng iba ay hindi kumikilos ang mga ito.
Giit ni Aquino, positibo pa rin ang kanilang pananaw at nananaig pa rin sa kanila ang propesyonalismo sa kabila ng kontrobersyal na pahayag ng gobernador.
Isinasapubliko rin ng DepED ang lahat ng mga ginagawa ng guro para makita ang dedikasyon ng mga ito at matulungan ang mga mag-aaral para sa kanilang tagumpay sa buhay.
Sinabi pa ni Aquino na simula pa ng Hunyo 1 ay nagsimula na rin ang pagtatrabaho ng mga guro at katunayan aniya ay mas nabigyan pa ng maraming trabaho ang mga ito.
Sa katunayan, nag-ikot at nagsagawa sila ng dry run para masuri at matiyak na nakahanda na ang lahat ng mga kailangan ng mga mag-aaral sa pagbubukas ng klase ngayong araw.
Humingi na rin naman aniya ng paumanhin at patawad ang opisyal sa kanyang naging pahayag.