Iginiit ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda ang pangangailangan na mapalakas ang military capability ng Pilipinas sa pamamagitan ng dagdag na mahuhusay na mga armas.
Mungkahi ito ni Salceda kasunod ng insidente kamakailan kung saan pwersahang kinuha umano ng Chinese Coast Guard mula sa Philippine Navy ang isang rocket wreckage na bumagsak sa West Philippine Sea (WPS).
Hindi sapat para kay Salceda na naghain na ng diplomatic protest ang ating Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil dito dahil mas mainam kung mayroon din tayong “punching powers” tulad ng dagdag artillery at drones.
Nilinaw naman ni Salceda na hindi niya isinusulong ang pakikipaggiyera o banggaan sa China o anumang bansa dahil ang hangad lamang niya magkaroon ng “security umbrella” ang Pilipinas sa sakop nitong karagatan.
Bunsod nito ay buo ang suporta ni Salceda sa pagsisikap ng Department of National Defense na magkaroon ng multirole fighters sa ilalim ng Horizon 3 ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program simula 2023 hanggang 2028.
Tiwala si Salceda na ang kapag nagkaroon ang AFP at Department of National Defense (DND) ng advanced aircraft systems ay mas mababantayan natin ang ating territorial waters Exclusive Economic Zone.