
Binigyang diin ni Vice President Sara Duterte spokesperson at legal counsel na si Atty. Paolo Panelo na napapanahon ang paalala ni Senate Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero sa mga senator-judges tungkol sa tamang pagtrato sa mga testigo sa impeachment trial.
Ayon kay Panelo, sa isang regular na hukuman, maaaring maging batayan ng inhibition ang paraan ng pagtatanong at umano’y panghihiya sa ilang testigo dahil maaari itong magpakita ng pagiging hindi patas o pagiging bias.
Hinimok din niya ang mga senator-judges na iwasang magbigay ng sariling ligal na opinyon habang nagtatanong at manatiling walang kinikilingan sa paglilitis.
Samantala, sinabi ni Panelo na nananatiling kumpiyansa ang kampo ng bise presidente sa kanilang depensa.
Aniya, naipaliwanag na ng mga testigo ang isyu sa mga umano’y hindi idineklarang ari-arian, salary differential mula sa Davao City, at investment sa GenCorp.
Tungkol naman sa mga credit card transactions sa ibang bansa, sinabi ni Panelo na naipakita ng depensa ang wastong konteksto ng mga gastusin, kabilang ang group dinner at suporta sa isang children’s basketball team, kaya aniya ay walang batayan ang alegasyon ng labis na magarbong pamumuhay.
Sa usapin kung magtetestigo si Vice President Sara Duterte, sinabi ni Panelo na wala pang pinal na desisyon at nakadepende ito sa magiging pagtatasa ng defense panel sa kabuuang ebidensiyang ihaharap sa impeachment trial.










