Friday, November 13, 2026

Ilang mga aktibidad sa Manila Bay malapit sa pagdadausan ng ASEAN Summit, pansamantalang ipapatigil ng MARINA

Inanunsiyo ng Maritime Industry Authority (MARINA) na suspendido muna ang ilang mga aktibidad sa baybayin ng Manila Bay malapit sa lungsod ng Pasay City, Maynila at Parañaque.

Ito’y bilang parte ng inilatag na seguridad para sa pagdaraos ng ASEAN Summit.

Sa abiso ng MARINA, pansamantalang ipapatigil ang dredging, reclamation at iba pang marine activities sa lobo ng 500 yards sa baybayin ng Manila Bay sa nasabing mga lungsod.

Sisimulan ito mula bukas, Nov. 15 hanggang 18 kung saan ang mga apektadong mga vessels at kagamitan ay dapat na ilipat o alisin muna sa labas ng restricted zone ngayong araw (November 14).

Ipinag-utos naman ni MARINA Officer-in-Charge Administrator Rear Admiral Loumer Bernabe sa lahat ng regional offices na paigtingjn ang pagbabantay sa kanilang nasasakupan lalo na’t inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero sa pantalan bunsod ng walang pasok sa Metro Manila mula Nov. 16-18.

Samantala, pitong barko ng Philippine Coast Guard (PCG) ang i-de-deploy upang maitaguyod ang kaligtasan at seguridad sa katubigang sakop ng Manila Bay para sa 49th ASEAN Summit.

Ayon kay PCG Spokesperson, Commodore Noemie Cayabyab, nakahanda na rin ang mga K9 teams at PCG security personnel na tutulong sa Philippine National Police (PNP) upang masiguro ang matiwasay at maayos na pagsasagawa ng mga aktibidad kaugnay nito.

Facebook Comments