Deployment ban sa Kuwait, inihirit ng isang senador

Nanawagan si Senator Jinggoy Estrada sa Department of Migrant Workers (DMW) na magpatupad ng deployment ban sa Kuwait.

Ito ay kaugnay sa karumal-dumal na pagpatay at pagsunog sa babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jullebee Ranara na ang suspek ay ang 17-anyos na anak ng kaniyang amo.

Sa privilege speech ni Estrada, tinukoy nito na bigo pa ring maprotektahan ang ating mga OFWs sa kabila ng kasunduan na pinasok ng ating pamahalaan sa gobyerno ng Kuwait.


Bukod sa pagpapatupad ng deployment ban ay umapela rin ang mambabatas sa DMW, Department of Foreign Affairs (DFA), at sa mga kaukulang ahensya na paigtingin pa ang “monitoring mechanism” sa mga bansang may pinakamaraming OFW na naka-deploy at pinakamaraming kababayan na inaabuso.

Ipinasasaayos at pinalalakas din ang sistema ng komunikasyon, pagbabantay, suporta at pagbibigay ng agarang tulong sa mga distressed OFWs.

Facebook Comments