Muling itinaas ng gobyerno ng Pilipinas ang deployment cap nito para sa mga healthcare workers na nais magtrabaho abroad.
Ayon kay Villamor Ventura Plan, deputy administrator sa Philippine Overseas Employment Administration, mula sa 3,500 na limit noong 2021 ay itinaas na ito ngayon sa 7,000.
Nakikipag-usap din ang POEA sa Commission on Higher Education at Department of Health para makita kung mapapanatili ang deployment cap lalo’t dapat ding ikonsidera ang demand ng bansa sa mga health workers.
Matatandaang nagpatupad noon ang Pilipinas ng annual cap ng mga nurse at iba pang healthcare professionals na nagnanais magtrabaho abroad para masigurong magiging sapat ang medical frontliners sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Paliwanag ni Plan, kailangan din ng Filipino nurses na makahanap ng mas magandang oportunidad kaya hindi sila pwedeng pigilan na mag-abroad.
Samantala, nangangailangan ngayon ng Filipino nurses ang mga bansang Australia at New Zealand.