Umaapela si Deputy Speaker Brother Eddie Villanueva sa pamahalaan na irespeto ang desisyon ng mga medical frontliners sa pagtanggap ng COVID-19 vaccine.
Ang apela ay kasunod na rin ng mga natanggap na reports ng mambabatas na maraming medical frontliners ang nag aalangan sa efficacy ng bakuna habang ang iba naman ay natatakot sa side effects nito.
Pakiusap ni Villanueva, huwag sanang pilitin ng gobyerno ang mga itinuturing na “real-time heroes” na mga medical frontliners na tatanggi o hindi muna magpapaturok ng COVID-19 vaccine.
Aabot sa 60,000 na mga nars, doktor at medical personnel sa apat na ospital sa Metro Manila ang nakatakdang tumanggap ng unang batch ng 117,000 doses ng COVID-19 vaccines mula sa Pfizer ngayong Pebrero.
Ayon sa kongresista, mahalagang isasalang-alang ng pamahalaan ang karapatan sa kalayaan ng isipan at konsensya tulad ng relihiyon kung saan may karapatang tumanggi ang bawat indibidwal lalo na sa mga bagay na nagbibigay ng pag aalinlangan.
Kaugnay dito ay pinakikilos ni Villanueva ang pamahalaan na doblehin ang efforts at maglatag ng mekanismo para kumbinsihin ang mga Pilipino na ang bakuna ay makakatulong para labanan at maiwasan ang mga sintomas ng COVID-19 na siyang magiging daan din sa pagwawakas ng pandemya.