
Posibleng maglabas ng desisyon bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng panukalang bawasan o suspendihin ang excise tax sa langis.
Ito’y kasunod ng nakatakdang pagsumite ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ng kanilang rekomendasyon sa pangulo.
Ang DBCC, na binubuo ng mga pangunahing ahensya sa ekonomiya, ay nagsagawa ng pag-aaral sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ilalatag ng komite ang kanilang pagsusuri at mga posibleng hakbang para maibsan ang epekto nito sa publiko.
Hinihintay ng pangulo ang resulta ng pag-aaral bilang batayan sa paggamit ng kanyang emergency powers para sa polisiya sa fuel excise tax.
Dagdag pa ni Castro, kung mapapatunayang makabubuti ang rekomendasyon, maaaring agad itong aprubahan ng pangulo.










