Manila, Philippines – Masaya si Senator Leila De Lima at binisita siya sa kulungan ng mga kasamahan sa minority bloc na sina Senators Franklin Drilon, Kiko Pangilinan, Antonio Trillanes IV at Risa Hontiveros.
Agad nilinaw ni De Lima na hindi nila pinag-usapan ang destabilization plot kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil wala naman daw talagang ganitong hakbang mula sa panig nila.
Kaya sorry, ayon kay De Lima kung madidismaya nila ang mga praning na nakapaligid kay Pangulong Duterte.
Sabi ni De Lima, sumentro ang kanilang talakayan sa legislative agenda ng minority bloc, kabilang ang mga panukalang batas na kanilang susuportahan at kokontrahin.
Ayon kay De Lima, binigyang diin ng kanyang mga kasamahang senador ang plano nilang petisyon sa korte para sya ay makalahok sa pagboto sa mga panukalang batas.
Samantala, ayon kay de lima, pinag-aaralan na ng kanyang legal team ang paraan para siya ay makapag participate pa rin sa session ng senado.
Naniniwala si De Lima na sa pamamagitan ng teleconferencing ay maari siyang makibahagi sa deliberasyon ng mahahalagang panukalang batas kahit siya ay nasa PNP Custodial Center sa Kampo Crame.
Inihalimbawa ni De Lima si dating Senador Justiniano Montano na noong 1950 ay naharap sa non-bailable offense dahil sa pagpatay pero pinayagan syang maglagak ng pyansa para magampanan ang tungkulin bilang senador.
Isa pang halimbawa ni De Lima ay si Senator Trillanes na kahit nakakulong noong 2008 ay pinayagan ni dating Senate President Nene Pimentel na makibahagi sa senate proceedings.
DZXL558