Cauayan City, Isabela- Agad na binawian ng buhay ang isang detainee matapos magbigti sa loob ng custodial facility ng PNP Aritao sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt. Melissa Gulan, OIC ng PNP Aritao, kanyang sinabi na ang nagpakamatay ay si Dominador Valdez, 37 taong gulang, may asawa, laborer at residente ng Barangay Kirang, Aritao, Nueva Vizcaya.
Siya ay nahuli noong April 2, 2021 sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Base aniya sa kanilang pagsisiyasat, nagkape muna si Valdez dakong alas onse y media kagabi at makalipas ang ilang oras ay nadiskubre ng kasamang detainee sa loob ng CR ang nakabigting katawan ni Valdez gamit ang mga pinagdugtong na basketball short cord.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng pulisya na depresyon ang nakikitang dahilan ng pagbibigti ni Valdez.
Nagsulat pa ng mensahe sa karton si Valdez na sinasabing ihatid ang kanyang mga gamit sa kanyang nanay bago ginawa ang insidente.
Ayon pa kay PCapt. Gulan, nakatakda sanang sasampahan ng kasong panggagahasa sa susunod na Linggo si Valdez matapos mapag-alaman na ginagahasa nito ang kanyang sariling anak.
Ipinasakamay na rin sa isang punerarya sa nasabing bayan ang bangkay ni Valdez.