Tuesday, March 10, 2026

Detalye ng koordinasyon ng gobyerno sa ICC tungkol sa pag-aresto at pagpapakulong kay FPRRD, hiniling ng isang senadora na ipapanawagan ng buong Senado

Nanawagan si Senator Imee Marcos na idetalye na ng ehekutibo ang lahat ng naging komunikasyon at kooperasyon sa pagitan ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.

Sa Senate Resolution 340 na inihain ni Sen. Marcos, gustong ipapanawagan ng Senado sa ehekutibo na ilatag ang lahat ng naging komunikasyon, kasunduan, awtorisasyon, request at mga direktiba kaugnay sa kooperasyon sa ICC.

Ipinunto ng senadora na isang taon na ang nakalipas matapos ang extraordinary rendition sa dating pangulo subalit nananatiling palaisipan ang paglapastangan sa karapatan ng dating presidente.

Maliwanag din aniya na mayroong nagsinungaling batay sa hindi magkakatugmang kwento matapos na aminin kamakailan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang pakikipag-usap sa mga tauhan ng ICC na nagtungo sa bansa noong nakaraang taon gayong naging paulit-ulit naman ang pagtanggi ng pamahalaan na nagkaroon ng pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ang gobyerno sa ICC.

Ipinaaamin din sa ehekutibo ang paglabag sa constitutional at statutory rights ni Duterte at pinapapanagot ang mga opisyal na responsable rito.

Hinihiling din ng Mataas na kapulungan sa executive na gumawa ng paraan para hingiin sa ICC ang pagpapabalik sa bansa kay dating Pangulong Duterte.

Facebook Comments