Determinasyon ni Ping lalong tumibay dahil sa kanyang mga kasamahan

Taas-noo si presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson sa pagkakaroon ng mga kasamahan ngayong kampanya na tunay na may puso para sa serbisyo publiko, walang bahid ng korapsyon, at eksperto sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Sa kanyang talumpati sa town hall meeting na ginanap sa Argao, Cebu nitong Miyerkules (Abril 6), ibinahagi ni Lacson ang mga katangian na taglay ng kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at ng kanilang mga senatorial candidate.

Ayon kay Lacson, sa tagal ng panahon na naging magkasama sila ni Sotto bilang mga mambabatas, magkapareho na ang kanilang pananaw sa paglaban sa korapsyon at iligal na droga. Nalampasan na rin umano nila ang pagsubok sa karakter nang tanggihan nila ang lahat ng suhol kapalit ng pabor sa Senado.


“Kami, we’ve tested each other pagdating sa ganoon, ‘yung temptation. Because, to our minds, the best test of character of a person: give him power and offer him money… And we pledged, as I mentioned earlier, we will do our best to maintain that highest standard of public service that we have done in so many years that we were together,” sabi ni Lacson.

Tinutukoy ni Lacson ang mga maleta na naglalaman ng pera na inalok sa kanilang dalawa ni Sotto galing sa ilang negosyante at mga grupo, para subukang impluwensyahan ang ilang franchise bill o iba pang panukalang batas na nakabinbin sa Senado.

Ipinagmamalaki rin ni Lacson ang mga senatorial candidate nila na sina Eye Bank Foundation of the Philippines founder Dra. Minguita Padilla at dating Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol.

Kinuwento ng presidential candidate kung paano sila nagkakilala ni Dra. Padilla noong naging hepe siya ng Philippine National Police. Aniya, lumapit sa kanya ang doktora para humingi ng permiso na makuha ang mga cornea ng napapatay sa kanilang mga operasyon kontra krimen at kidnap-for-ransom para mai-donate ito sa mga mahihirap na pasyente na nangangailangan ng cornea transplant.

Dagdag pa ni Lacson, natural na sa senatorial aspirant ang kababaang-loob at hindi ipinagyayabang ang mga tagumpay na kanyang nakamit. “She (Dra. Padilla) used to be the Physician of the Year, 2009. Siya nag-practice for 34 years. ‘Yung karamihan doon mga indigent ‘yung kanyang ina-attend-an. Walang bayad, hindi niya sinisingil,” aniya.

Para naman kay Piñol, sinabi ni Lacson na hindi man sila ganoon kalapit sa isa’t isa ay nirerespeto niya ang dating kalihim dahil pareho silang siniraan ang integridad ngunit ipinaglaban ang mga prinsipyo para maproteksyunan ito. Si Piñol ang tanging Cabinet member na boluntaryong nagpasailalim sa lifestyle check, ayon kay Lacson.

“Noon niya (Piñol) lang nalaman very tedious pala ‘yon (lifestyle check). May money laundering, Anti-Money Laundering Council, meron pa ‘yung Bank Secrecy Act, pati firearms—lahat tiningnan—and he passed the test. So, we are all proud na siya kasama sa aming party,” ani Lacson.

Sama-samang nangampanya sina Lacson, Sotto, Dra. Padila, at Piñol sa Argao, Cebu kung saan ipinakilala nila ang pangunahing programa na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) at iba pang mga plataporma tungo sa maayos na pamamahala.

Facebook Comments