DFA, binanatan ang EU dahil sa panghihimasok sa isyu ng ABS-CBN franchise

Bumaba sa lebel ng “stupidity” ang European Union.

Ito ang patutsada ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. laban sa international organization dahil sa pangingialam sa mga lokal na isyu sa Pilipinas tulad ng franchise renewal ng ABS-CBN.

Ayon kay Locsin, dini-discredit ng European Union ang sarili nito dahil pinupulot nila ang anumang ibinabato ng mga kalaban at kritiko ng Duterte Administration.


Pagkakaalala ni Locsin noon na maingat at responsable ang EU at walang kinikilangan lalo na sa paglalabas ng kanilang reaksyon sa mga pandaigdigang usapin.

Banat pa ng kalihim, maraming problema ang Europe sa loob ng bakuran nito pero mas inuuna ang mga hindi mahahalagang isyu sa ibang lugar.

Nabatid na naglabas ang European Parliament ng resolusyon kung saan naaalarma sila sa pagkitil sa press freedom at nanawagan sa pamahalaan na bigyan muli ng prangkisa ang network.

Ang European Parliament ay isa sa tatlong legislative branches ng EU at isa sa pitong institusyon nito.

Facebook Comments