Ikinatuwa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkakasama ng Pilipinas sa Electronic Travel Authorization (ETA) program ng bansang Canada na magbibigay pahintulot sa mga Pilipino na magnegosyo o mamasyal sa nasabing bansa.
Ang mga Pilipinong may hawak ng Canadian visitor’s visa na ibinigay sa nakalipas na sampung (10) taon o sinumang mayroong valid na US non-immigrant visa ay maaari nang mag-apply para sa ETA sa halip na visa kung ang mga ito ay maglalakbay sa pamamagitan ng himpapawid.
Ang nasabing inisyatiba ay susuporta sa Indo-Pacific Agenda ng Canada na layon na pagtibayin pa ang relasyon at ang pag-invest sa people-to-people ties sa pagitan ng Canada at Indo-Pacific region kung saan kabilang ang Pilipinas.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, isang mahalagang milestone at kapansin-pansing indikasyon ng lumalagong pagkakaibigan at pagtitiwala ng Canada sa Pilipinas pati na rin ang malaking halaga na ibinibigay nito sa Filipino community na mayroon ring ambag sa diversity at dynamism.
Dagdag pa ng kalihim, inaasahan na ang nasabing bagong polisiya ay hindi lamang mag-uudyok sa paglalakbay, kundi magbubukas rin ng mga bagong oportunidad sa pagnenegosyo at magsusulong rin ng higit na interes upang pagbuklurin ang pamilya.
Umaasa rin si Manalo na makapagtala ng panibagong yugto sa relasyon ng Canada at Pilipinas ang nasabing polisiya.