Manila, Philippines – Nakukulangan si Senador Bam Aquino sa 25 pesos na umento sa sahod para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Sabi ni Aquino, dapat ay samahan ito ng iba pang pagkilos na magpapababa sa presyo ng bilihin kabilang na ang suspensyon ng excise tax sa langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ayon pa kay Aquino, parehong dagdag kita at bawas presyo ang kailangan ng mga Pilipino.
Kung siya ang tatanungin gusto niyang iprayoridad sana ng Kongreso ang pagpasa sa bawas presyo bill para maisaayos ang TRAIN law at mabawasan ang pasan ng Pilipino.
Matatandaang inihain ni Aquino ang Senate Bill 1798 o ang bawas presyo sa petrolyo bill noong Mayo 2018 para lagyan ng dagdag na safeguard ang TRAIN law na sususpinde sa koleksyon ng excise tax sa langis kapag lumagpas ang inflation rate sa target ng pamahalaan ng tatlong sunod na buwan.
Kapag naipasa aniya ang bawas presyo bill at alisin ang excise tax sa petrolyo sa TRAIN law hanggang P87 kada araw ang dagdag sa kita ng mga jeepney driver na sapat para makabili ang PUV driver ng dalawang kilo ng bigas kada araw para sa kanilang pamilya.