‘DI SERYOSO? | Senado, naniniwalang hindi seryoso si PRRD sa planong pagbuo ng sariling sparrow unit laban sa NPA

Manila, Philippines – Umani ng iba’t ibang reaksyon sa Senado ang panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ng sarili niyang sparrow unit na ipantatapat sa New People’s Army.

Para kina Sen. Aquilino Pimentel III at Sen. Panfilo Lacson, hindi seryoso ang Pangulong Duterte sa kanyang gusto na gusto na bumuo ng armadong grupo na tatawaging ‘Duterte Death Squad’.

Ayon kay Pimentel, alam ng Pangulong Duterte na hindi ito maaaring gawin.


Habang sinabi naman ni Lacson na bilang isang abugado at dating prosecutor, alam ni Duterte na iligal at isang krimen ang pagbuo ng isang armadong grupo.

Naniniwala naman si Sen. Francis Pangilinan na hindi solusyon ang plano ni Duterte para matapos na ang problema sa patayan sa bansa.

Habang ikinabahala naman ni Sen. Grace poe ang pahayag ng pangulo.

Para naman sa matinding kritiko ng Pangulong Duterte na si Sen. Antonio Trillanes, may tatlong motibo ang pangulo sa paglalabas niya ng ganun pahayag.

Ayon kay Trillanes, una, takot si Duterte na mawala sa kanya ang kapangyarihan kaya ito ang tanging paraan para mahawakan niya ang publiko.

Pangalawa, gusto umano ng pangulo na linlangin ang International Criminal Court kaugnay sa mga patayang nangyayari kung saan libong Pinoy na ang napatay sa kanyang panunungkulan.

At pangatlo ay gusto ni Duterte na malihis ang atensyon ng media at nang publiko kaugnay sa Memorandum of Understanding na pinasok niya sa China, partikular dito ang pag-award ng 3rd telco player sa kaibigan nito at ang kontrobersyal na 11-billion pesos na shabu shipment.

Facebook Comments