Sermon agad ang inabot ng Department of Information and Communications Technology (DICT) mula kay Senator Grace Poe sa pagdinig ng kanilang budget sa Senado.
Ito ay dahil sa dami ng pondong pinadagdagan ng ahensya gayong napakababa naman ng utilization rate nito o paggugol sa kanilang budget ngayong 2023.
Sa report ng financial performance ng DICT para sa 2023, sinabi ni DICT Usec. Heherson Asiddao sa Senate Committee on Finance na hanggang nitong September 15, aabot pa lang sa 25 percent ang budget utilization ng ahensya sa kanilang pondo ngayong taon na aabot sa P13.9 billion.
Target naman aniya na umabot sa 28 percent ang budget utilization sa katapusan ng Oktubre, 60 percent pagsapit ng Nobyembre at 70 percent hanggang Disyembre.
Samantala, para sa taong 2024 ay humihiling ang DICT na dagdagan ng P5.6 billion ang panukalang P9.8 billion na budget ng ahensya at attached agencies nito.
Ang mga dagdag na budget na hinihingi ng DICT ay para sa operational expenses, regional offices at personnel, pagpapagawa ng opisina ng DICT, development plan, e-government system development program, cybersecurity, at ICT industry development.
Magkagayunman, sinita ni Poe na ang malaking problema ng ahensya ay ang mababang utilization rate at humihingi pa ang DICT ng dagdag na pondo.
Puna ni Poe, sinusubukan ng DICT na palabasin na sa katapusan ng taon ay sisikaping maitaas sa 70 percent ang budget utilization pero duda ang senadora na magagawa ito ng ahensya dahil “Ber months” na ngayon.
Hirit ng senadora, ang paggastos sa pondo muna aniya ang dapat na aksyunan ng DICT gayundin ang mga utang na hindi pa nito nababayaran.