Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga concerned government agencies at mga pribadong sector na magtulungan para mas mai-angat ang connectivity sa bansa at mas maging competitive ang Pilipinas ngayong digital age.
Ang paghikayat ay ginawa ng pangulo sa pagdalo nito kahapon sa Telco Summit sa Pasay City.
Sa summit, hinimok nito ang mga government agencies at private sector partners na tumulong sa pagpapatupad na mapalakas at mas maging mabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa pamamagitan ng digitalization.
Sinabi pa ng pangulo na sa ngayon ang Central Bank ay 50 percent nang nakamit ang paggamit ng digitalization sa pagbabayad at patuloy na sinisikap na gawing full digitalization ang proseso.
Sa buong Pilipinas naman ayon sa pangulo, kailangan pang i-improve ang connectivity rate na ngayon ay nasa below 70 percent pa lamang.
Hindi raw ito sapat ayon sa pangulo dahil archipelagic ang Pilipinas at may mga isolated communities ang wala pa ring anumang-uri ng komunikasyon.
Kaya naman prayoridad aniya ng gobyerno ang paghahanap ng mga bagong teknolohiya para sa pagpapalakas ng internet.