Bineberipika pa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ulat ng bilang ng nasawi dahil sa bagyong Ulysses.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, pinagsasama-sama nila ang mga nakukuhang datos kung saan may mga lugar din na wala pa silang contact partikular sa Camarines Sur.
Iginiit pa ni Año na ang Bagyong Ulysses ay hindi tulad ng Bagyong Ondoy na halos lumubog ang buong Metro Manila at karamihan sa mga nangyaring pagbaha ay dulot ng pag-apaw ng ilog.
Aniya, naka-deploy na ang search and rescue teams sa mga lugar na apektado ng bagyo habang nagdagdag na rin sila ng rubber boats at iba pang kagamitan.
Iginiit naman din ng kalihim na wala naman siyang na-monitor na Local Government Units na hindi kumilos o umaksyon sa pagresponde sa Bagyong Ulysses.