Cauayan City, Isabela – Ngayong araw na ito (May 21,2020) ang ibinigay na palugit ng Cauayan City Interior and Local Governmet (CILG) sa City Social Welfare and Development (CSWD) para ibigay ang listahan ng mga pamilyang walang natanggap na ayuda mula sa pamahalaan.
Ayon sa tanggapan ni Mr. Raul Melegrito, ang City Local Government Operations Officer ng Lungsod ng Cauayan, ang kautusan ay mula mismo sa tanggapan ni DILG Secretary Eduardo M. Año.
Ang nasabing paunang listahan ay dapat ihanda ng mga barangay at hindi kailangang tingnan kung gaano na katagal sa lokalidad o kung botante ba ang mga miyembro ng anumang bahay.
Ayon sa kalihim, ang “left-out o waitlisted households” ay mga pamilyang may mababang kita na hindi tumatanggap ng anumang Conditional Cash Transfer at hindi kasama sa paunang 18 milyong kabahayan na nakinabang sa 1st tranche ng SAP.
Ang mga LGU ay binigyan ng hanggang ngayong araw (May 21) upang isumite ang pangalan ng kanilang mga family-beneficiaries sa DILG at DSWD.
Ayon pa sa DILG, ang mga may reklamo tungkol sa paunang listahan ng barangay ay maaaring maghain ng apela sa Municipal Social Welfare and Development Office o sa alkalde mismo.
Kung walang pagkilos, maaaring dumulog mismo sa DSWD.
Kasabay nito ay muling nagbabala ang DILG na hindi nila sasantuhin ang mga mandaraya rito at maging sa pamimigay ng 2nd tranche ng SAP.
Sa ngayon ay nasa 23 na mga opisyal ng barangay ang sangkot sa tiwaling pamamahagi ng tulong ng SAP at nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal.
Labindalawang kasong kriminal naman ang isinampa laban sa mga pinuno ng barangay, at may apat pa na isampa sa mga darating na araw.