*Cauayan City, Isabela*- Sasailalim din ang mga barangay sa Lungsod ng Cauayan sa pagsasagawa ng Seal of Good Local Governance matapos na muling maparangalan ang siyudad ng DILG.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Rambo Tambauan ng CILGO, kasalukuyan na ang pagtanggap ng kanilang tanggapan ng mga aplikasyon ng iba’t ibang barangay para sa proseso ng SGLG.
Ayon pa kay Ginoong Tambauan, nasa 80 porsyento na ang kanilang natatanggap na aplikasyon sa mga barangay.
Ilan sa mga nakapaloob sa nasabing pagsusuri ay ang Disaster Preparedness, Peace and Order Assessment Tool, Performance Audit Rating, Environmental Management, Good Financial Housekeeping, Financial Administration indicator at Full Disclosure Policy ng Local Budget at Finances.
Layunin ng nasabing programa na mapalakas ang partisipasyon ng mga barangay sa isyu ng pamamahala sa kanilang nasasakupan at isa lamang itong paraan upang mapanatili ang patuloy na paghahatid ng serbisyo publiko ng mga opisyal.
Samantala, personal na tinanggap ni Mayor Bernard Dy ang ikatlong Seal of Good Local Governance Award (SGLG) ng Lungsod.