DILG, itinakda na sa Miyerkules ang huling araw ng pagtanggap ng mga aplikante para sa COVID-19 contact tracers

Itinakda na sa Miyerkules (September 23, 2020), ang huling araw ng pagsusumite ng aplikasyon ng mga interesadong aplikante para maging COVID-19 contact tracers ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay DILG-Quezon City Director Emmanuel Borromeo, nagpapatuloy ang hiring ng dalawang libong contact tracers sa lungsod at sinumang interesado ay maaari pang mag-apply online.

Paalala niya sa mga aplikante, hindi ipoproseso ang kanilang application kung kulang ang mga isusumiteng dokumento.


Karamihan sa mga naunang nag-apply ay hindi kumpleto ang mga isinumiteng requirements.

Pinaalalahanan ang mga aplikante na isumite ang lahat ng hinihinging requirements tulad ng letter of intent, personal data sheet, NBI Clearance, at drug test result.

Sa ngayon, may 113 applicants na para sa kinakailangang 2,000 additional contact tracers sa QC na handa nang i-endorso sa regional office ng DILG.

Una nang inanunsyo ng DILG ang paghire o pagkuha ng serbisyo ng 50,000 pang karagdagang COVID-19 contact tracers para ikalat sa iba’t ibang panig ng bansa.

Facebook Comments