Kasabay ng pag-arangkada ngayong araw ng campaign period para sa lokal na halalan, ipinaalala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mga sasakyan ng mga Local Government Unit (LGU) sa pangangampanya para sa halalan.
Ang pahayag ay ginawa ni DILG Secretary Eduardo Año kasunod ng mga ulat na natanggap nito hinggil sa paggamit umano ng LGU vehicles sa mga campaign rallies para sa halalang idaraos sa Mayo 9.
Ayon kay Año, ang mga resources ng pamahalaan, kabilang ang manpower, materyal at pinansiyal, ay hindi dapat na gamitin sa kampanya.
Kaugnay nito, pinayuhan din ni Año ang publiko na kung may nalalaman silang kahalintulad na pangyayari ay agad na i-report sa mga concerned na local Comelec campaign committee upang maaksyunan.
Sinabi pa ng DILG chief na kung ang mga ganitong insidente ay malalantad rin sa social media ay maiiwasan nang maulit pa ito.