DILG, pinagsabihan ang mga makakaliwang grupo na irespeto ang kalayaang magpasya ng hudikatura

Manila, Philippines – Kinastigo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga makakaliwang grupo na itigil ang pagpressure sa mga korte.

Ginawa ni Interior Secretary Eduardo Año ang pahayag kasunod ng banta ng mga kongresista mula sa Bayan Muna na kanilang kakasuhan ang mga hukom na nagpapalabas ng  search warrants para salakayin ang mga opisina ng Bayan Muna, Gabriela, at National Federation of Sugar Workers sa Bacolod, Negros Occidental.

Ani Año, dapat igalang ng iba’t ibang sektor ang tinatawag na judicial independence at hayaan ang mga hukom na gampanan ang kanilang mga tungkulin.


Ayon kay Año, hindi naman maglalabas ng search warrant ang isang hukom kung hindi nadetermina ang pagkakaroon ng probable cause at hindi nakapagsagawa ng pagsisiyasat at masinsinang pagtatanong.

Gayundin aniya ang dapat na mangyari sa mga law enforcers na hindi dapat masagkaan sa kanilang trabaho na proteksyunan ang mga mamamayan at estado.

Kaugnay nito, iminungkahi ng DILG chief ang pagbuo ng isang  independent armed na katulad ng  United States Marshall Service upang bigyan ng seguridad ang mga alagad ng hudikatura.

Facebook Comments