Thursday, February 12, 2026

DILG, planong gumamit ng Lidar drones para mas mapabilis ang pagtugis sa high-profile fugitives

Plano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na kumuha at mag-deploy ng Lidar drones upang mapabilis ang paghahanap sa mga high-profile fugitives sa bansa.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, ang mga Light Detection and Ranging drones ay may kakayahang masilip ang mga lugar sa ilalim ng makakapal na puno o canopy, na makakatulong sa mabilis na pagtunton sa mga target.

Ide-deploy ang mga Lidar drones sa susunod na ilang buwan bilang bahagi ng pagpapalakas ng manhunt operations. Malaki ang maitutulong nito sa paghahanap kay dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag at negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.

Kasama rin sa plano ang paghahanap sa mga taong posibleng makakasuhan kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.

Si Bantag ay pinaniniwalaang nagtatago sa Cordillera Administrative Region, matapos na maiugnay bilang mastermind sa pagpatay noong 2022 sa radio broadcaster na si Percival “Percy” Lapid Mabasa.

Samantala, ginagalugad ng mga awtoridad ang posibleng pinagtataguan ni Ang sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon, na inaakusahan bilang utak sa pagdukot at pagpatay sa 34 sabungero.

Facebook Comments