DILG Secretary Abalos, pabor na palawigin ang state of calamity sa bansa

Pabor si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., palawigin pa ang state of calamity para sa COVID-19 pandemic hanggang sa katapusan ng taon.

Una nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Proclamation No. 57 na nagpapalawig sa panahon ng state of calamity sa buong bansa, hanggang sa Disyembre 31, 2022, base na rin sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon kay Abalos, ang pagpapalawig ng state of calamity ng panibagong tatlong buwan ay magbibigay ng dagdag na panahon sa national at local governments para magpatupad ng economic, social, at health interventions.


At upang mapahintulutan ang bansa at mga mamamayan na makaagapay sa new normal at harapin ang hamon ng pandemya.

Hinikayat din niya ang mga Local Government Units (LGU) na gamitin ang angkop na pondo, kabilang ang quick response fund, upang tugunan ang agarang pangangailangan ng kanilang mga constituents at pabilisin ang kanilang COVID-19 vaccination at booster drive upang palakasin pa ang wall of immunity ng bansa.

Nauunawaan ng DILG chief na ang transition period ay kritikal at nananatili silang committed upang tulungan ang mga LGUs sa pagkakaloob ng episyente, napapanahon at angkop na tugon sa COVID-19 at serbisyo upang maprotektahan ang mga mamamayan sa panahon ng state of calamity.

Facebook Comments