Ipasisiyasat ng Bayan Muna sa Kamara ang ginawang pagbabago sa disenyo ng mga perang papel o Philippine banknotes.
Sa inihaing House Resolution 2412, inaatasan na manguna sa imbestigasyon na ito ang House Committee on Banks and Financial Intermediaries.
Kamakailan ay inanunsyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na may bagong series ng Philippine banknotes na ilalabas kung saan ang mga larawan ng mga bayani sa mga perang papel ay papalitan ng mga larawan ng flora at fauna sa bansa.
Nauna na nga rito ang P1,000 banknote kung saan ang larawan ng tatlong bayani ng World War II ay pinalitan ng larawan ng Philippine Eagle.
Sinasabing ang mga bagong disenyo ng pera ay inaprubahan ng National Historical Commission, BSP-Monetary Board at Office of the President.
Nilinaw naman sa resolusyon na hindi sila tutol sa paglalagay ng flora at fauna sa banknotes ngunit hindi naman dapat nadadamay dito ang ating mga bayani na nanindigan at nakipaglaban para sa ating karapatan at kalayaan.