Pinapatiyak ni Senator Risa Hontiveros sa Philippine National Police (PNP) at Local Government Units (LGUs) na mabibigyan ng proteksyon laban sa diskriminasyon at pag-abuso ang mga health workers ay sinumang gagawa nito ay dapat parusahan.
Inihalimbawa ni Hontiveros ang isang doktor sa Rizal na na-detain dahil hindi naka-face shield habang nagbibisikleta.
Paliwanag ni Hontiveros kung ipagpapatuloy ang hindi magandang pagtrato sa mga health workers ay tiyak babagsak ang ating healthcare system lalo pa at patuloy ang paglobo ng COVID-19 cases sa bansa.
Hiniling din ni Hontiveros sa Department of Health (DOH) na madaliin ang pagbibigay ng tamang kompensasyon at mga benepisyo para sa health workers at mga kailangan nilang protective equipment laban sa virus.
Kaugnay nito ay umaasa si Hontiveros na maisasabatas ang inihain niyang Senate Bill No. 1436 o Mandatory Protection of Health Workers, Frontliners and Patients Act.
Itinatakda nito ang mga uri ng diskriminasyon at aksyon na makakasama sa mga health workers at makaaapekto sa pagtupad nila sa tungkulin at maituturing na krimen laban sa kalusugan ng mamamayan.