Dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, muling ipina-cite in contempt ng Senado

PHOTO: Senate of the Philippines

Mananatili sa kustodiya ng Senado si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos itong maipa-cite in contempt ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.

Sa pagdinig ng komite ay nagisa nang husto ng mga senador si Guo subalit paulit-ulit lamang nitong iginiit ang kanyang “right to self-incrimination” at may kaso nang nakahain sa kanya kaya sa korte na lamang siya magsasalita.

Hindi kinukumpirma ni Guo na siya si Guo Hua Ping at patuloy lamang na pinanindigan na siya si Alice Guo sa kabila ng mga dokumento at patunay sa kanyang pagkatao.


Bago ito ay paulit-ulit pang ipinakita ng komite ang dokumento sa National Bureau of Investigation o NBI kung saan nakasaad na iisang tao lamang si Alice Guo at Guo Hua Ping at maging ang Chinese passport pero patuloy pa ring nagmatigas ang pinatalsik na alkalde na hindi magsasalita tungkol dito.

 

Hindi rin masabi ni Guo kung kanino galing ang umano’y death threat sa kanya at dito sinabi ni Committee Chairperson Senator Risa Hontiveros na kung kailan nadakip ito sa Indonesia at naibalik sa bansa ay saka naman sinasabi ng dismissed mayor na may banta sa kanyang buhay.

Sa huli ay tila napikon na si Hontiveros at ipinag-utos na ma-contempt dito sa Senado si Alice Guo kung saan mananatili sa kustodiya ng mataas na kapulungan si Guo Hua Ping hanggang sa matapos ang imbestigasyon ng komite o hanggang sa kilalanin na ng sinibak na alkalde ang kapangyarihan ng institusyon.

Facebook Comments