Nanganganib na masibak bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Surigao del Sur si Congressman Prospero Pichay.
Ito’y makaraang katigan ng Korte Suprema ang desisyon ng Office of the Ombudsman na nagpapataw ng perpetual disqualification laban kay Pichay.
Batay sa hatol ng Supreme Court First Division, ibinasura nito ang consolidated petitions ni Pichay habang pinagtibay rin ang desisyon ng Ombudsman, Sandiganbayan, at Court of Appeals (CA) laban sa kongresista.
Nag-ugat ang kaso sa sinasabing maanomalyang pagbili ng Local Water Utilities Administration o LWUA ng 445,377 shares ng Express Savings Bank, Inc. o ESBI na tinatayang nagkakahalaga ng P780 milyon.
Bunga nito, nanganganib ngayon ang reelection bid ni Pichay bilang Surigao del Sur First District representative.
Tumatakbo si Pichay laban kay incumbent Construction Workers Solidarity o CWS Party-list Rep. Romeo Momo Sr., na dating undersecretary ng DPWH o Department of Public Works and Highways.