Naka-‘full blast’ na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng emergency cash aid sa ilalim ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP).
Ito ang iginiit ng ahensya matapos silang masabon ng mga mambabatas dahil sa tila mala-‘pagong’ na distribusyon ng ayuda.
Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, sinimulan na ang digital payment ng SAP 2 na inaasahang mapapakinabangan ng nasa 12 milyong benepisyaryo.
Mayroong anim na Financial Service Providers (FSPs) ang tutulong para sa digital payment ng SAP 2. Ito ay ang GCash, RCBC, Robinsons Bank, PayMaya, StarPay, at Unionbank.
Pitong rehiyon ang sakop ng digital payout kabilang ang National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Central Luzon, Western Visayas, at Central Visayas.
Pagtitiyak ni Paje na makakatanggap ng cash grant ang mga SAP beneficiaries sa Cebu, kung saan nasa 10,933 “waitlisted” beneficiaries ang nakatanggap na ng ayuda sa Cebu City.
Sa kabuuan, nakapamahagi na ang DSWD ng ₱1.5 billion SAP 2 payout sa 1.3 million beneficiaries.