Inaasahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na makukumpleto nila ang distribusyon ng mga National ID registration kits sa 32 Provincial Offices ng Philippine Statistics Authority (PSA) bago mag-November 12.
Sinimulan ng AFP ang distribusyon nitong Biyernes matapos na mai-deliver sa PSA head office sa Diliman, Quezon ang mga registration kits at ibinigay sa AFP nitong Oktubre 30 ng National Economic Development Authority (NEDA).
Mula sa PSA Head Office, ang Philippine Army ang mamamahala sa pagdadala ng mga ito sa delivery hubs sa Luzon, ang Philippine Navy sa Visayas at ang Philippine Air Force sa Mindanao.
Ang mga delivery hubs ay sa mga kampo ng militar sa ilalim ng mga unified commands na siya namang maghahatid ng mga ito sa 32 PSA Provincial Offices para ma-distribute ang 4,000 registration kits sa 655 siyudad at munisiyo sa buong bansa.
Sinabi ni AFP Chief General Gilbert Gapay na umaasa siyang sa pamamagitan ng National ID system, makatutulong ito sa paglikha ng mapayapa at ligtas na pamayanan dahil ang mga kriminal, terorista at iba pang lawless elements ay mahihirapang gumamit ng fake identities sa paggawa ng kasamaan.