Habang naghahanda ang Dito Telecommunity sa paglunsad ng kanilang commercial operation sa Lunes, March 8, 2021, patuloy naman na nahaharap ito sa usaping pangseguridad na may kaugnayan sa pagmamay-ari ng China Telecom at isyung pangpinansyal dahil sa pagiging bago sa capital-intensive at hyper-competitive industry.
Kamakailan ay inamin ni Dito Chief Technology Officer Rodolfo Santiago na hindi kumita ang kanilang kompanya sa loob ng unang dalawang taong operasyon nito para sa nasabing long-term investment na nagkakahalaga ng P226 billion pesos.
Magsisimula na ang operasyon ng Dito sa March 8, sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao at kalaunan ay isusunod na rin ang ilang lungsod sa Metro Manila at Luzon, pero hinala ng ilan, sinadya talaga ng Dito na sa Visayas at Mindanao muna ilunsad ang commercial operation nito kumpara sa National Capital Region na mas marami ang tiyak na kanilang mase-serbisyuhan para hindi malantad ang kanilang kahinaan.
Sa pagkalugi nito sa unang dalawang taong operasyon, mas lalong dumarami ang nababahala sa kakayahang pangpinansyal ng Dito lalo na’t una nang inamin ni Dito Chief Administrative Officer Adel Tamano na mayroong 70-30 debt-to-equity ratio ang kanilang kompanya, kung saan nasa P20 billion ang equity habang nasa P150 billion naman ang utang at advances ng shareholder sa inisyal na rollout ngayong taon.
Ito ang dahilan upang kwestyunin ni Senate Committee on Public Service Chairperson, Senator Grace Poe ang pinansyal na kahandaan ng Dito.
Ayon kay Sen. Poe, nais niyang malaman kung saan kukuha ng kapital ang Dito lalo na’t aabot sa mahigit P250 billion ang kabuuang commitment nito, pero nasa P20 billion pa lang ang nailalabas nilang kapital habang aabot na sa P150 billion ang kanilang gastos o capital expenditures.
Samantala kasunod ng commercial rollout, kinalampag naman si Senator Risa Hontiveros sa National Security Council (NSC) na agad na magsagawa ng security audit sa China-backed Dito Telecommunity dahil sa pangambang may “directly report” ito sa Chinese government.
Sa pagdinig ng Senado, Binigyan-diin ni Sen. Hontiveros na ang Chinatel na may 40% stake sa Dito na 100% na pagmamay-ari ng Chinese state ay kailangang mayroong security audit lalo na’t may kakayahan itong panghimasukan ang seguridad ng bansa.
Punto ni Sen. Hontiveros sa NSC, dahil sa technical capabilities ng Dito, walang cyber defense doctrine na kayang protektahan ang bansa laban sa cyberattacks.
Una nang tinapos ng New York Stock Exchange ang kanilang trading sa China Telecom, China Mobile at China Unicom bilang pagsunod sa kautusan ni Dating US President Donald Trump na i-ban sa Amerika ang lahat ng investing firms na kontrolado ng Chinese military dahil sa banta ng seguridad.