DMW at DFA, pinakikilos para imbestigahan ang nangyaring pag-atake ng mga Houthi rebels sa cargo ship na ikinasawi ng dalawang Pinoy

Hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian ang Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) na imbestigahan ang pag-atake ng mga Houthi rebels sa isang cargo ship sa may karagatang bahagi ng Yemen na ikinasawi ng dalawang Pilipinong tripulante.

Ayon kay Gatchalian, dapat na maimbestigahan ng DMW at DFA ang insidente, tiyakin na mabibigyang hustisya ang mga biktima at paigtingin ang mga hakbang sa pagbibigay proteksyon sa Filipino seafarers partikular na sa mga rehiyon na may banta ng panganib.

Inaatasan ng senador ang DFA na aktibong makilahok sa diplomasya para tugunan ang isyu sa international level, at kilalanin na ang kaligtasan ng seafarers ay isang collective responsibility lalo na ang mga rehiyon na lagpas sa ating border.


Kinukondena rin ni Senator Imee Marcos ang ‘acts of terrorism’ ng mga rebelde lalo’t ang Pilipinas ay hindi naman damay o kasapi sa gulong nangyayari sa Gitnang Silangan.

Nanawagan si Marcos sa DMW na bigyan ang mga biktima at mga pamilyang apektado ng lahat ng tulong na maaaring maipagkaloob sa ilalim ng batas.

Facebook Comments