DND, walang nakikitang problema sa paglilipat sa NDRRMC ng tungkulin para tumugon sa pandemya ng COVID-19

Walang problema kung mailipat sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang tungkulin para sa pagtugon ng gobyerno sa pandemya ng COVID-19.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Defense Spokesperson Director Arsenio Andolong na walang inaasahang malaking pagbabago sa magiging trabaho ng NDRRMC ngayong inilipat na sa kanila ang tungkulin ng National Task Force Against COVID-19.

Aniya hindi na sila maninibago dahil miyembro rin naman ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 ang NDRRMC.


Ang mangyayari lamang aniya ngayon ay magiging hands on na sila sa usapin ng pagtugon ng bansa sa pandemya ng COVID-19.

Ang NDRRMC ay nasa ilalim ng Office of Civil Defense na nasa pangangasiwa ng Department of National Defense (DND).

Sinabi ni Andolong, tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) kaugnay dito, at ang kagandahan ay miyembro rin naman ng konseho ang DOH kaya wala silang nakikitang magiging problema.

Paliwanag pa ni Andolong, katulad ng pagtutok ng NDRRMC sa tuwing may kalamidad, ganito rin ang gagawin nilang pagtugon sa pandemya ng COVID-19, nadagdagan lamang aniya ang mga bagay na kanilang tututukan.

Facebook Comments