
Inirekomenda ng Department of Energy (DOE) ang pag-i-import muna ng biofuels bilang solusyon sa posibleng kakapusan ng suplay sa langis ng bansa.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na kailangang tumingin na ang gobyerno ng ibang bansa na mabibilhan ng produktong petrolyo lalo’t nagkakahirapan na sa suplay ng langis bunsod pa rin ng patuloy na gulo sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Garin, ang mga oil refineries na pinagkukunan ng Pilipinas tulad sa China, South Korea at Thailand ay nagsara na kaya kailangang makahanap ang bansa ng ibang mabibilhan sa labas ng Asya tulad ng North at South America, Africa, Australia at Europe.
Mungkahi ng Kalihim, payagan sana ang pag-import ng biofuels dahil mas mura sa ibang bansa kumpara sa locally produced.
Kapag kasi ang sariling produce na biofuel ang ginamit, makakadagdag pa ito sa presyo ng krudo na napakamahal ang presyo dahil sa gulo pa rin sa Middle East.
Sa ilalim kasi ng batas, kailangang ubusin muna ang lokal na suplay bago payagang makapag-import ang gobyerno.
Sa kasalukuyan, ang presyo ng domestic ethanol kada litro ay nasa halos P76 samantalang ang imported ethanol ay nasa P37.58 kada litro.










