DOE, pinaglalatag ni Sen. Gatchalian ng pundasyon sa usaping nuclear power agenda

Imbes na unahin ang pagbubukas ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) ay iminungkahi ni Senador Win Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na pagsumikapan na lamang nitong itaguyod ang isang matatag na pundasyon para sa nuclear energy policy ng bansa.

Ayon kay Gatchalian, na siyang Chairman ng Senate Energy Committee, may mga kaukulang prosesong dapat pagdaanan sa paglalatag ng polisiya sa paggamit ng nuclear energy at ang mga bagay na ito ay nangangailangan ng masinsinang pag-aaral.

Paliwanag ni Gatchalian, dapat mas ukulan ng panahon ngayon ang mga kaukulang batas na dapat ipasa, pagtatatag ng mga regulasyon at pagkumbinsi sa publiko kung bakit kailangan natin ng ganitong polisiya.


Dagdag pa ni Gatchalian, may mga aspetong pang imprastraktura, ekonomiya, epekto sa kapaligiran lalo na sa isyu ng pag-iingat sa radiation at pangkalahatang proteksyon sa paggamit ng nuclear energy na kailangang ikonsidera.

Sinabi pa ni Gatchalian na para sa kaalaman ng lahat, ay kailangan pang pagtibayin ng Pilipinas ang Convention on Nuclear Safety, ang Joint Convention on the Safety of Spent Fuel Management at ang Amendment to the Convention of Physical Protection of Nuclear Material.

Dagdag pa ni Gatchalian, importante ring matugunan ang ilang panuntunan ng International Atomic Energy Agency kung saan miyembro ang Pilipinas.

Facebook Comments