Agarang pinapa-aksyon ni Senator Win Gatchalian ang Department of Energy o DOE sa paglobo ng presyo ng langis bunga ng pag-atake sa dalawang pasilidad ng langis sa Saudi.
Ayon kay Gatchalian, ang mga hindi inaasahang pangyayaring tulad nito ay maaaring magdulot ng malaking pinsala sa ating lokal na mga sector ng transportasyon at enerhiya.
Diin ni Gatchalian, mahalaga para sa energy security ng bansa na makahanap ang pamahalaan ng iba pang mapagkukuhanan ng suplay ng langis bukod sa Saudi.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na kapag pinalawak ang oil supplier portfolio ng bansa, ay hindi gaanong mararamdaman ng mga konsyumer ang pagbagsak o pagtaas ng presyo ng langis sa merkado.
Dagdag pa ni Gatchalian, dapat siguruhin ng DOE na ang lahat ng kompanya ng langis ay sumusunod sa itinakdang minimum inventory na 15 hanggang 30 araw upang malabanan ang epekto ng pangyayaring ito.