Inilabas na ng Department of Health (DOH) ang guidelines para sa nationwide rollout ng ikalawang COVID-19 booster shots sa mga edad 50 pataas at 18 hanggang 49 years old na may comorbidities.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na ito ay makaraang palawigin ang Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration sa ilang brand ng COVID-19 vaccine para magamit na second booster sa expanded population at alinsunod na rin sa rekomendasyon na ibinigay ng Health Technology Assessment Council.
Ayon sa DOH, tanging ang bakuna ng Pfizer at Moderna lamang ang pinapayagan sa ngayon para sa second booster at kinakailangan na hindi bababa sa apat na buwan ang pagitan mula nang maturukan sila ng unang booster shot.
Pinayuhan din ng kagawaran ang mga maaari nang magpaturok ng boosters na alamin ang mga schedule ng pagbibigay ng bakuna at magdala ng vaccination card at valid ID.
Hindi naman kinakailangan pang magdala ng medical certificate ang mga magpapabakuna ng third dose kahit ang may comorbidities.