Para maging ligtas ngayong paggunita ng Undas 2022 sa gitna ng COVID-19 pandemic, naglabas ng ilang paalala ng Department of Health o DOH.
Sa abiso ng DOH, bago ang Undas, maiging planuhin ang araw ng pagbisita, at mas mainam na pumunta ng maaga sa mga sementeryo o simbahan at huwag sumabay sa pagdagsa ng mga tao.
Hangga’t maaari, huwag nang magsama ng mga bata, senior citizens, buntis at miyembro ng pamilya na may karamdaman.
Maiging siguraduhing malinis at maayos ang preparasyon ng mga pagkaing dadalhin sa sementeryo kung saan magdala rin ng payong, kapote, extra face mask, damit, alkohol, pamunas at sapat na tubig sa araw mismo ng Undas.
Sakali naman makaranas ng sintomas ng COVID-19 o anumang uri ng sakit, manatili na lamang sa loob ng bahay.
Payo pa ng DOH, mainan na tanging “fully vaccinated” at mga naturukan na ng booster shots ang pumunta o isama sa sementeryo at sumunod sa panuntunan upang hindi maabala at maging maayos ang pagbisita sa mga yumaong mahal sa buhay.
Bago at pagkatapos naman bumisita sa mga sementeryo, tiyakin na itapon ang mga basura, huwag kalimutang maghugas ng mga kamay at panatilihing suot ang face mask kung uuwi lalo na sa pampublikong transportasyon.