Natanggap na ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) ang mahigit sa 390,000 bivalent COVID-19 vaccines na donasyong ng Lithuanian Government.
Pinangunahan ni Assistant Secretary Leonita Gorgolon ang ceremonial reception sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City kasama ang iba pang kinatawan mula sa Department of Foreign Affairs, Lithuanian Consulate sa Pilipinas at ang European Union.
Matatandaan na sinimulan ng DOH ang negosasyon para makakuha ng mga supply ng bivalent vaccines noong Agosto 2022 kung saan inalok ng Pamahalaang Lithuanian noong Enero ngayong taon, ang mga naibigay na bivalent vaccine.
Ito’y upang makatulong na palakasin ang tugon ng Pilipinas sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagbibigay ng proteksyon laban sa COVID-19 at mga variant nito.
Bukod sa mga donasyong ito, patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng DOH sa COVAX Facility para sa pagkuha ng karagdagang doses ng bivalent vaccines para sa publiko.
Nagpasalamat naman ang DOH Kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa kanyang suporta sa prosesong ito.
Sa pamamagitan ng kanyang pamumuno, napabilis ang pag-apruba at proseso ng pagdating ng mga donasyong bakuna kaya’t magkakaroon ng karagdagang proteksyon ang bawat Pilipino.