DOH, nagbabala sa mga kumakalat na text message hinggil sa COVID-19 allowance

Nagbabala ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development o DOH-MMCHD laban sa mga kumakalat na text message kaugnay sa One COVID-19 Allowance o OCA.

Sa isang pahayag, inihalimbawa ng tanggapan ang text message ukol sa pagkuha ng OCA sa pamamagitan ng pagpapadala ng email na caralaws23@gmail.com.

Pero ayon sa DOH-MMCHD, ang naturang mensahe ay hindi nagmula sa kanilang ahensya kaya huwag magpapaloko rito.


Ang pagkuha ng OCA ay direktang ipinapa-alam sa benepisyaryo na mayroong kumpleto at maayos na dokumento.

Paalala pa ng DOH-MMCHD, tiyakin na lehitimo ang nakakalap na balita; at maging alerto laban sa mga maling impormasyon para na rin sa kaligtasan.

Sa ilalim ng OCA, makatatanggap ng allowance ang health care workers at non-health care workers depende sa kanilang “risk exposure” — o P3,000 para sa low risk; P6,000 para sa medium risk; at P9,000 para sa high risk.

Kung mayroong mga katanungan o sumbong ukol sa OCA, maaaring magpadala ng mensahe sa Public Assistance and Complaint Unit ng tanggapan o sa email na pacu.dohmmchd@gmail.com, o kaya’y tumawag sa kanilang hotline numbers o Viber number na 0970-464-7549 o kaya bisitahin ang website ng DOH para sa mga paalala.

Facebook Comments