Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa epekto sa kalusugan ng tao ng dinurog na dolomite o ang artificial white sand na nasa Manila Bay na bahagi ng rehabilitasyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sinabi ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire na base sa mga pag-aaral, kapag nasinghot ng tao ang pulbos ng dinurog na dolomite, maaari itong magdulot ng respiratory reactions.
Kapag napunta naman sa mata ang parte ng dinurog na dolomite ay maaaring magdulot ito ng irritation at kapag nalulon o nakain ay masama sa gastrointestinal system ng tao at maaaring magdulot ng pananakit ng tiyan at diarrhea.
Bunga nito, pinayuhan ng DOH ang publiko na magtutungo sa Manila Bay na sundin ang minimum health standards para makaiwas sa masamang epekto ng dolomite.