Mahalagang panatilihin ang komunikasyon sa mga mahal sa buhay.
Ito ang payo ng Department of Health (DOH) para maiwasang maramdaman ang ‘quarantine fatigue’ ngayong COVID-19 pandemic.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ilan sa mga senyales ng quarantine fatigue ay pagkabalisa at pagiging iritable.
“Mayroon po silang social withdrawal, meron pong mga loss of motivation because of reduced productivity, ito ang mga nakikita natin ngayong mga senyales,” sabi ni Vergeire.
Dapag sundin ng publiko ang ‘coping mechanisms’ para malabanan ang mga ganitong nararamdaman.
“Unang-una please stay connected. Meron hong mga tao kasi they are withdrawing from everybody because of this quarantine status that we have. Stay connected. Hindi naman po kailangang lumabas para maging connected. You can use social media to do that, always call your friends, your loved ones,” ani Vergeire.
Importante rin aniya na may ibang pinagkalilibangan.
“Kung dati lumalabas tayo para manood ng sine, para pumunta sa parke, marami ho tayong puwedeng gawin sa loob ng bahay to keep us busy and to keep us entertained,” dagdag ni Vergeire.
Kailangan ding tanggapin ng publiko na ito na ang ‘new normal’ na pamumuhay.
Hinihikayat din ng DOH ang publiko na humingi ng tulong kung nakakaranas sila ng mental health issues.